dzme1530.ph

COMELEC, iniutos ang imbestigasyon sa posibleng paglabag sa election law ni Lino Cayetano

Loading

Inatasan ng Commission on Elections (COMELEC) ang Law Department nito na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay ng posibleng kasong kriminal laban kay Lino Edgardo S. Cayetano, natalong kandidato sa pagka-Kinatawan ng Unang Distrito ng Taguig, dahil sa umano’y paglabag sa Omnibus Election Code matapos ang kaniyang pagkatalo sa halalan noong Mayo 2025.

Sa resolusyong inilabas ng COMELEC First Division noong Hunyo 18, 2025, idineklarang “moot and academic” ang petisyon na kanselahin ang Certificate of Candidacy (COC) ni Cayetano, bunsod ng kanyang pagkatalo.

Gayunman, iginiit ng Commission na hindi nito pinawawalang-bisa ang posibleng pananagutang kriminal kaugnay ng umano’y misrepresentasyon sa kanyang COC.

“The criminal aspect of the case must be referred to the Law Department for preliminary investigation,” ayon sa resolusyon.

Binigyang-diin ng COMELEC ang desisyon ng Korte Suprema sa kasong Lanot v. COMELEC, kung saan ipinunto ang pagiging hiwalay at independiyente ng aspektong kriminal at elektoral sa mga kasong disqualification.

“REFER the records of this case to the Law Department of the Commission for the conduct of preliminary investigation for possible violation of election laws”, ayon pa sa COMELEC.

Maaaring humantong ito sa pagsasampa ng kasong kriminal laban kay Cayetano dahil sa material misrepresentation sa ilalim ng Section 78 ng Omnibus Election Code, na nagpaparusa sa mga kandidatong sinadyang magsumite ng maling deklarasyon sa kanilang COC.

Kung mapatunayang nagkasala, maaaring masentensyahan ng pagkakakulong, disqualification sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno, at pagbawi ng karapatang bumoto.

Kinuwestiyon sa reklamo ang pagiging lehitimo ng deklaradong tirahan ni Cayetano sa Pacific Residences, Barangay Ususan.

Lumipat ito ng voter registration sa Ususan noong Setyembre 28, 2024 at naghain ng kandidatura makalipas lamang ng limang araw.

Batay sa mga isinumiteng affidavit, certification, at iba pang ebidensiya sa Election Registration Board at sa mga korte, napatunayang nananatili siyang naninirahan sa Essensa Condominium sa BGC, Fort Bonifacio—na bahagi ng Ikalawang Distrito ng Taguig.

About The Author