Gumugulong na ang imbestigasyon ng Comelec sa mga insidente ng umano’y vote buying sa gitna ng pangangampanya para sa May 12 elections.
Nangangalap na ang poll body ng karagdagang mga impormasyon sa report na isang partylist ang namamahagi ng membership cards na may kasamang ₱300 sa mga residente sa Baguio City.
Gayunman, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia, na litrato lamang ng membership card na may kasamang pera ang kanilang nakita at walang kaakibat na testimonya mula sa nabigyan nito.
Aniya, isa lamang ito sa apat na insidente na iniimbestigahan ng Kontra-Bigay committee ng Comelec.
Inihayag ni Garcia na mas mainam kung mayroong witness na lalapit para magbigay ng salaysay, gayundin kung mayroong video na magsisilbing ebidensya.