Hindi maaring madaliin ang COMELEC para bayaran ang utang nito sa debate partner noong 2022.
Pahayag ito ni COMELEC Chairperson George Garcia, kasunod ng pag-i-isyu ng impact hub ng “final demand” para pag-usapan ang pagbabayad ng outstanding balance na P15.3-M kaugnay ng Vote Pilipinas Campaign noong nakaraang eleksyon.
Ipinaliwanag ni Garcia na hindi puwedeng apurahing magbayad ang poll body, dahil iniimbestigahan pa ang criminal, civil, at administrative liabilities ng mga taong nasa loob at labas ng COMELEC.
Binigyang diin din ng poll chief na “wala ni isang sentimo” na ibinayad sa impact hub na nagsabing nanatili ang kontrata sa pagitan ng dalawang panig, sa kabila ng kanselasyon ng presidential at vice presidential debates. —sa panulat ni Lea Soriano