Walang “adverse findings” o walang nakikitang mali sa pagtatayo ng Vice Presidential Security Group (VPSG) ayon sa Commission on Audit (COA).
Ito ang ipinandepensa ng Office of the Vice President (OVP) matapos lumabas na ulat ng COA na mayroong 433 security escort si Vice President Sara Duterte.
Ayon sa OVP, ang VPSG ay isa sa mga inisyatiba ng pangalawang pangulo lalo at marami rin siyang hinahawakang posisyon.
Kabilang na ang pagiging Education Secretary, Chair ng Southeast Asian Ministers of Education Organization (SAMEO), at Co-Vice Chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Nabatid na taong 2022 nang itatag ang VPSG bago pa man manungkulan bilang ikalawang pangulo si VP Sara. —sa panulat ni Jam Tarrayo