Pinagbibitiw sa puwesto ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio si Commission on Audit (COA) Commissioner Mario Lipana dahil umano sa conflict of interest.
Sa budget briefing ng COA sa House Committee on Appropriations, inungkat ni Tinio ang koneksyon ni Lipana sa kanyang asawa na si Marilou Laurio-Lipana, President-GM ng Olympus Mining and Builders Group Phils. Corp..
Ang naturang kumpanya ay nakakuha ng flood control projects mula sa pamahalaan at umano’y nakasingil na ng P320 milyon.
Giit ni Tinio, malinaw na may paglabag sa batas at conflict of interest ang sitwasyon, lalo’t milyon-milyong kontrata mula sa gobyerno ang nakuha ng kumpanya ng asawa ng COA commissioner.
Wala naman sa pagdinig si Lipana at kinumpirma ni COA Chairman Gamaliel Cordoba na naka-medical leave ito at nasa Singapore hanggang sa katapusan ng Setyembre.
Punto ni Tinio, dapat nang bumitiw si Lipana para mapanatili ang integridad at kredibilidad ng COA na isang constitutional office.
Tugon naman ni Cordoba, personal na desisyon ang pagbibitiw ng isang commissioner dahil walang “disciplinary authority” ang COA laban sa kanila, sapagkat kabilang sila sa mga impeachable officials.