Kabilang ang Commission on Audit (COA) at Commission on Human Rights (CHR) sa mga nabiyayaan ng dagdag na pondo mula sa tinapyas na budget ng Department of Public Works and Highways para sa flood control.
Ayon kay Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan, miyembro ng Budget Amendments Review Sub-Committee, nagmula ang pondo sa ₱255 bilyong inilaan para sa flood control.
Sa ilalim ng 2026 General Appropriations Bill, ₱166.68 milyon ang nadagdag sa alokasyon ng COA, habang ₱85.86 milyon naman ang sa CHR.
Paliwanag ni Yamsuan, layunin ng dagdag na pondo na palakasin ang transparency at accountability sa gobyerno, at tiyakin ang pagrespeto sa karapatang pantao.
Sa dagdag na budget ng COA, magagawa na nito ang digital transformation at technology-driven accounting system na aayon sa international standards upang sugpuin ang anomalya at iregularidad.
Para sa CHR, mapapalakas ang financial assistance program para sa mga biktima ng human rights violations at ang operasyon ng Human Rights Protection Office.