dzme1530.ph

Climate-Resilient Agriculture Bill, inihain ni Bicol Saro Cong. Yamsuan

Inihain na ni Bicol Saro Cong. Brian Yamsuan, ang House Bill 9129 o “Climate-Resilient Agriculture Bill” na layong palakasin ang sektor ng magsasaka kaugnay sa banta ng “climate change.”

Sa explanatory note ng panukala, binigyan diin ni Yamsuan na sa Pilipinas, malaki ang ginagampanang papel ng mga magsasaka, kaya kailangang tulungan sa bantang dala ng climate change.

Dahil sa tradisyunal pa rin ang pamamaraan ng pagtatanim sa bansa, malaking epekto ang tag-init at tag-tuyot, isama pa ang malalakas na bagyo na pawang nakakaapekto sa schedule ng pagtatanim at pag-ani ng mga produkto.

Salig sa panukala ni Yamsuan, magkakatuwang na kikilos ang Department of Agriculture, PAGASA, Philippine Space Agency at LGUs sa pagbuo ng programa.

Pangunahin dito ang pagbuo at paggamit ng “crop climate calendar” na “customized” sa bawat lokalidad ng mga magsasaka, gayundin ang “satellite data” na katuwang sa pagpapatupad ng crop climate calendar.

Ang crop calendar ang magkakaloob sa mga magsasaka ng tamang impormasyon na madaling maunawaan, at ito ay makatutulong sa pagpapasya kung kailan sila dapat magtatanim o mag-aani.

Sa ganitong paraan, mababawasan aniya ang pagkasira ng mga tanim at pagkalugi ng magsasaka, samantalang tuloy-tuloy pa rin ang pag modernisa ng sakahan sa bansa. –sa ulat ni Ed Sarto, DZME News

About The Author