Pina-aamyendahan ni AGRI party-list Rep. Manoy Wilbert Lee ang Republic Act 9729 o ang Climate Change Act of 2009.
Sa House Bill 11499, nais nitong bigyan ng representasyon ang mga magsasaka at fisherfolk sa decision-making bodies sa climate policy.
Aniya, palaki ng palaki ang pinsalang idinudulot ng mga kalamidad sa magsasaka at mangingisda, dahilan para mabaon sila sa utang matapos ang kalamidad.
Ito ayon kay Lee ang dapat na tugunan, sa pamamagitan ng malakas na boses sa pagbalangkas ng polisiya na may direktang impact sa livelihood at well-being ng magsasaka at mangingisda.
Sa tingin ng AGRI Party List dapat amyendahan ang Section 5 ng Climate Change Act para isama ang aktibong partisipasyon ng agricultural sector.
Hindi umano sapat na kalihim lamang ng Department of Agriculture ang tumatayong kinatawan, dahil kailangang kailangan din ang representasyon ng fisherfolk.
Sa ngayon, tanging sectoral representatives mula sa academe, business sector, o non-governmental organizations mula sa disaster risk reduction community ang kabilang sa Section 5, ng RA 9729.