dzme1530.ph

Claimant ng ketamine na nagkakahalaga ng P2.1-M, dinakip ng BOC-Port of Clark

Inaresto ng Bureau of Customs (BOC)-Port of Clark kasama ang Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (CAIDTF) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang claimant ng Ketamine na nagkakahalaga ng P2,120,000

Sa follow up operation ng isinagawang joint controlled delivery sa address ng importer sa Pasig City, naaresto ang isang 23-anyos na lalaking claimant at isa pang kasama nito na kasalukuyang at large.

Ang shipment na sinasabing naglalaman ng “chocolates,” ay agad na isinailalim sa physical examination na humantong sa pagkadiskubre ng isang glass container na puno ng puting crystalline substance o droga na nakatago sa loob ng isang baso ng Imperial Rose Scented Candle.

Kinumpirma rin ng PDEA sa pamamagitan ng chemical laboratory analysis na ang mga sample ay may sangkap na Ketamine, isang uri ng droga.

Kaagad na inisyu ang warrant of seizure and detention laban sa kargamento dahil sa paglabag sa section 118 (g), 119 (d), at 1113 par. (f), (I), at (l)-(3) at (4) ng Customs Modernization and Tariff Act o RA No. 9165.

Pinuri naman ni Commissioner Bienvenido Rubio ang PDEA sa suporta nito sa operation at nagpapatunay lang aniya ito na seryoso ang ahensiya na masugpo ang smuggling sa bansa at labanan ang iligal na droga. —sa ulat ni Felix Laban, DZME News

About The Author