dzme1530.ph

CIDG, nasabat ang ₱15.1-M halaga ng iligal na petroleum products at sigarilyo; 4 na suspek, arestado

Loading

Hindi na nakapalag pa ang apat na suspek matapos magsagawa ng dalawang magkahiwalay na operasyon ang CIDG Regional Field Unit 4A-Special Operations Team, kasama ang CIDG Batangas at CIDG Quezon Provincial Field Units sa mga lalawigan ng Batangas at Quezon.

Ayon sa ulat ng CIDG, unang naaresto noong October 6 ang tatlong suspek sa Balete Road, Barangay Balagtas, Batangas dahil sa illegal trading at distribution ng petroleum products, o mas kilala sa tawag na “Paihi.”

Sa parehong araw, nadakip naman sa Lucena City, Quezon ang isang Chinese national na sangkot sa iligal na pagbebenta ng mga sigarilyo.

Nasamsam sa operasyon ang 40,000 liters ng iba’t ibang uri ng petroleum products at 95 master cases ng sigarilyo na may kabuuang halaga na ₱15.1 milyon.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1865 o Illegal Trading and Distribution of Petroleum Products ang tatlong naaresto sa Batangas.

Habang ang naarestong Chinese national ay kakasuhan sa ilalim ng Intellectual Property Code of the Philippines, Graphic Health Warnings Law, Tobacco Regulation Act of 2003, at National Internal Revenue Code.

 

Photos: CIDG

About The Author