Target ni Senador Robin Padilla na bigyan ng mas matibay na ngipin ang Commission on Human Rights (CHR) para sa mas epektibong pagganap sa tungkulin.
Inihain ni Padilla ang Senate Billl 2440 o CHR Bill upang bigyan ng mas epektibong sistema ang komisyon kasama ang fiscal autonomy para hindi na ito maituring na toothless tiger.
Alinsunod sa panukala, magkakaroon ng “full authority” ang CHR na tumugon motu proprio sa reklamo na may kinalaman sa human rights violations kasama ang kapangyarihang mag-issue ng injunctive reliefs at legal measures.
Titiyakin din na paninindigan ang pagiging independent ng CHR at ang pondo para rito ay hindi babawasan.
Ang CHR ay ituturing na national human rights institution, sang-ayon sa Principles Relating to the Status of National Institutions at ibang resolusyon ng UN.
Sa ilalim ng panukala ni Padilla, mandato ng CHR na tiyakin ang seguridad ng saksi at human rights defenders na may banta; at ipatupad ang witness protection service.
Bubuo rin ang CHR ng human rights information campaign program at ng Human Rights Institute (HRI) para sa pagsulong ng karapatang pantao.
Ang HRI ay magiging training institute para sa mga imbestigator, prosecutor, justice, huwes, abogado at ibang human rights workers.
Samantala, magkakaroon din ang CHR ng legal assistance program para sa mga mahihirap na human rights violation victims; at gagawa ng taunang ulat sa mga monitoring activities nito. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News