Apat na Filipino fishing boats ang nananatili sa Bajo De Masinloc, habang walang nakitang pagbabago ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa bilang ng Chinese Maritime Militia vessels sa pinagtatalunang teritoryo.
Ayon kay Commodore Roy Vincent Trinidad, Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea, kabuuang limampu’t lima na iba’t ibang Chinese Vessels ang na-monitor sa Bajo De Masinloc, Ayungin Shoal, Pag-asa, Panata, at Lawak Islands.
Aniya, ilan sa mga barko ng Tsina ay nakatigil lamang habang ang iba ay nagpa-patrol.
Sinabi ni Trinidad na nakapag-resupply din ang Philippine Navy sa lahat ng walong outposts sa Kalayaan Islands at nagpa-plano na para sa susunod na resupply mission sa BRP Sierra Madre na nakasadsad sa ayungin shoal.
Samantala, kinumpirma ng Philippine Coast Guard na pabalik na ang BRP Gabriela Silang at BRP Ventura mula sa kanilang Hydrographic Mission sa West Philippine Sea sa bahagi ng Bolinao, Pangasinan, matapos buntutan ng dalawang China Coast Guard Vessels.