Naranasan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isa na namang insidente ng pangha-harass mula sa China sa Bajo de Masinloc.
Ayon sa PCG, isang Chinese People’s Liberation Army Naval Air Force J-15 fighter jet ang lumapit sa Cessna Caravan aircraft ng PCG na nagsasagawa ng Maritime Domain Awareness (MDA) flight. Umabot ito sa 500 feet sa gilid at 200 feet sa itaas ng eroplano, na lulan ang mga kawani ng PCG at mamamahayag.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Jay Tarriela, tuwing nagsasagawa sila ng MDA flight sa lugar, palaging may panggugulo at panganib sa kanilang sasakyang panghimpapawid. Dagdag pa rito, nakatanggap din sila ng sunod-sunod na radio challenges mula sa PLA Navy vessel na may bow number 553.
Tugon ng mga piloto ng PCG, legal ang operasyon at isinagawa ito sa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Ito ang unang insidente ngayong taon ng pagharang ng Chinese fighter jet sa isang routine mission ng PCG.