Suportado ng National Security Council (NSC) ang panawagang pagpapalayas sa mga opisyal ng Chinese Embassy na nasa likod ng pagpapakalat ng fake news at disinformation sa harap ng sigalot sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ay kasunod na rin ng isyu sa ‘transcript’ ng umano’y wiretapping sa pag-uusap ng isang senior Philippine Military Commander at Chinese Diplomat hinggil sa ‘new model deal’ sa WPS.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon Public briefing ngayong araw, inihayag ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya na ang mga diplomats ay mga bisita lamang sa bansa at hindi sila dapat nakikialam sa internal affairs ng bansa.
Obligasyon din ng mga ito na sumunod at igalang ang mga batas ng Republika ng Pilipinas.
Kaugnay dito, iginiit ni Malaya na napapanahon nang paalisin sa bansa ang mga opisyal na dawit sa pagpapalaganap ng fake news at disinformation dahil nilalabag nila ang Vienna Convention on Diplomatic Relations.
Sinabi pa nito na narating na ng Chinese diplomats ang pinaka-sukdulan ng Diplomatic practice.