Sa gitna ng tensyon sa West Philippine Sea (WPS), nakatatanggap na ang Embahada ng Pilipinas sa Beijing ng mga hate emails mula sa mga hindi nagpapakilalang Chinese citizens.
Inihayag ito ni Beijing minister at Consul General Arnel Talisayon sa pagharap sa Commission on Appointments on Foreign Affairs na pinamumunuan ni Sen. Jinggoy Estrada.
Sa kabila nito, wala pa namang Pilipino sa China na nagrereklamo ng anumang uri ng harassment.
Hinikayat naman ni Sen. Ronald dela Rosa si Talisayon na ituloy lang ang monitoring sa sitwasyon habang matindi pa rin ang tensyon sa WPS upang agad na makaaksyon ang pamahalaan sakaling i-harass ang mga Pilipino sa China.
Umaasa si dela Rosa na hanggang hate emails lang ang magaganap at hindi na aabot pa sa pisikal na pananakit sa mga Pilipino.
Maaari rin naman na hindi natutukoy ng mga Tsino ang mga Pilipino sa China dahil sa karamihan sa kanila ay mga Filipino-Chinese.