NAKATANGGAP ng impormasyon si Senate Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zones Chairman Francis Tolentino na target ng China na ipabasura ang Philippine Maritime Zones Law.
Ito anya ang layunin ng China kaya’t sumusuporta sa ilang kandidato sa halalan habang ginigiba ang ibang kandidato na anti-China.
Una nang kinumpirma ng National Securty Council (NSC) sa pagdinig sa Senado na may indikasyong nagsasagawa ng mga information operations ang China, sa pamamagitan ng social media, para maimpluwensyahan ang resulta ng midterm elections.
Sinabi rin ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya na may ilang kandidatong sinusuportahan ang China para manalo at sinisiraan ang mga hindi nila gustong kandidato.
Aminado naman si Tolentino na ramdam niya mismo ang kampanya para sirain ang kanyang pangalan at hindi siya manalo sa eleksyon bilang siya ang isa sa mga pangunahing nagsulong ng Philippine Maritime Zones Law.