Pinaalalahanan ng isang child rights advocate si Sen. Robinhood Padilla na nararapat ding bigyan ng second chance ang mga batang posibleng makagawa ng pagkakasala.
Ito’y matapos ipasa ni Padilla ang isa sa kaniyang priority bills na layong ibaba sa 10 taong gulang ang edad ng mga batang maaaring panagutin at ikulong para sa karumal-dumal na krimen
Ayon sa Child Rights Network (CRN), hindi dapat ang edad ng bata ang tinitingnang isyu kundi ang mahinang pagpapatupad ng Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 o Republic Act No. 9344.
Giit ng CRN, may karapatan sa juvenile justice system ang lahat ng bata,anumang edad, sakaling sila ay lumabag sa batas ng Pilipinas.
Hinikayat din ng grupo si Senador Padilla na kumonsulta muna sa mga social worker at sa Juvenile Justice and Welfare Council bago itulak ang panukalang batas na naglalayong ibaba sa 10 ang edad ng batang maaaring makulong dahil sa mabibigat na krimen.