Inamin ng chief accountant ng Department of Education na tumanggap ito ng ₱25,000 kada buwan mula kay noo’y DepEd Sec. Vice President Sara Duterte, simula Pebrero hanggang Setyembre ng nakaraang taon.
Sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, sinabi ni Rhunna Catalan na hindi niya inisip na ang binigay sa kanyang pera ay suhol, kasabay ng pagtanggi na prinessure siya para lumagda sa liquidation reports.
Aniya, tumanggap siya ng “allowance” sa pamamagitan ni noo’y DepEd Assistant Secretary Sunshine Fajarda.
Idinagdag ni Catalan na tinanong din niya kay Fajarda kung bahagi ang naturang halaga ng confidential fund, na sinagot naman nito na allowance ito mula sa DepEd Secretary.
Bukod kay Catalan, kabilang sa iba pang dating mga opisyal ng ahensya na nagsabing tumanggap sila ng allowance mula kay VP Sara ay sina dating DepEd Dir. Resty Osias at dating Education Usec. Gloria Mercado. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera