dzme1530.ph

Chairmanship sa ilang komite sa senado, tatalakayin sa All-Member Caucus

Magpapatawag si Senate President Francis “Chiz” Escudero ng All-Members Caucus ngayong araw na ito upang talakayin ang Committee Chairmanships ng Senado.

Sinabi ni Escudero na kasama sa pagpupulong ang Minority bloc upang mahingi rin ang kanilang opinyon sa usapin.

Matatandaang kasabay ng balasahan sa senate leadership ay nabakante ang ilang kumite ng senado dahil sa pagbibitiw sa pwesto ng ilang mga senador.

Binitiwan ni Sen. Sonny Angara ang Senate Committee on Finance, Committee on Youth at Subcommittee on Constitutional Amendments.

Si Sen. Nancy Binay naman ay nagbitiw bilang Chairperson ng Committee on Accounts, Committee on Tourism at Committee on Ethics

Nagbitiw na rin sa kaniyang chairmanship ng Senate Committees on Local Government at Urban Planning, Housing and Resettlement si Sen. JV Ejercito.

Si Escudero naman na senate president na ngayon ay kailangan nang bitiwan ang pinamumunuan niyang Committee on Higher Education.

Habang si Sen. Jinggoy Estrada ay nagbabalak na bitiwan ang Senate Committee on Labor.

Nangako naman si Escudero na mananatili si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang pamumuno sa Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs.

About The Author