Kinumpirma ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na ang usapin sa Charter Change ang pangunahin niyang dahilan sa pagsusulong ng pagpapalit ng liderato sa Senado.
Nilinaw ni Escudero na ito ay sa kanyang panig lamang at iba pa ang mga dahilan ng 14 pang senador na lumagda sa resolution para sa pagpapatalsik kay dating Senate President Juan Miguel Zubiri.
Ikinuwento ni Escudero na minsan na silang nagkataasan ng boses sa caucus makaraan niyang kwestyunin ang patuloy na pagdinig sa Resolution of Both Houses No. 6 o ang Economic Cha-cha Bill.
Matatandaang kinuwestyon ni Escudero ang kawalan noon ng malinaw na polisiya at patakaran para sa pagtalakay sa panukala na ituturing na ordinaryong panukala subalit pagdating ng botohan ay kinakailangan ng 3/4 votes para maaprubahan.
Sa panig ng senate leader, iginiit niya kung bakit kinakailangan pang humantong sa botohan gayung alam naman na talo na ang panukala.
Sa bilang kasi ni Zubiri, hindi makakuha ng 16 na boto ang Economic Cha-cha Bill.
Kinumpirma rin ng senate leader na tinutulan din niya ang pagbuo noon ng Subcommittee on Constitutional Amendments para RBH 6 gayong mayroon namang mother committee na maaaring duminig nito.
Iginiit ni Escudero na maraming concerns ang bawat senador sa pagpapalit ng liderato at hindi kasama rito ang pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs sa isyu ng PDEA Leaks.
Ipinahiwatig pa nito na kung ang imbestigasyon sa PDEA Leaks ang dahilan ng change of leadership ay dapat si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na lamang ang tinanggal sa kumite at hindi ang liderato ng Senado.