dzme1530.ph

Cassandra Li Ong, inilipat na sa Women’s Correctional Facility

Kinumpirma ni House Secretary General Reginald Velasco na mula sa Kamara ay inilipat na sa Correctional Institution for Women (CIW) si Cassandra Li Ong, ang authorized representative ng POGO firm na Lucky South 99.

Si Ong ay na-cite for contempt sa ikalawang pagkakataon ng House Quad Committee na nag-iimbestiga sa mga krimeng kinasasangkutan ng POGOs, noong Sept. 19, dahil sa umano’y pagsisinungaling sa kanyang School records.

Sinite in-contempt ang 24 anyos na dalaga, makaraang sabihin nito sa mga mambabatas na hindi niya matandaan ang kanyang educational background, bilang tugon sa tanong ni Abang Lingkod party-list Rep. Joseph Stephen Aduano, kung nakapagtapos siya sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS) noong 2016 o 2017.

Sa joint statement ng mga lider ng komite na nag-iimbestiga sa POGO-linked crimes, binigyang diin ng mga Kongresista na ang paglipat kay Ong sa Correctional ay bahagi ng legal process at prayoridad ang kanyang kapakanan. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera

 

 

About The Author