Tiniyak ni Cambodian Prime Minister Hun Manet na handa ang kanyang bansa na tulungan ang Pilipinas sa pagresolba sa mga problema sa food security sa pamamagitan ng pagbibigay ng karagdagang supply sa bigas at iba pang mga produkto.
Ginawa ni Hun ang pagtiyak sa kanyang pagbisita sa Malakanyang, para sa bilateral meeting nila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kahapon.
Bago ang pakikipagpulong kay Pangulong Marcos ay nakaharap ng Cambodian Prime Minister ang Filipino business leaders at inimbitahan ang mga ito na mag-invest sa rice production upang mapagbuti ang value chains.
Pinasalamatan naman ng Chief Executive si Hun sa pagdaraos ng business forum, kasabay ng pagsasabing importanteng partner ng Pilipinas ang Cambodia sa pagtiyak sa food security.