Dapat nang magbitiw sa pwesto ang mga opisyal ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) kasunod ng panibagong aberya sa airport nitong Chinese New Year.
Ito ang binigyang-diin ni Senador Win Gatchalian kasabay ng pagsasabing kung may delicadeza ang mga opisyal ng CAAP ay dapat na nilang ibigay sa ibang may kakayahan ang pagpapatakbo sa ahensya.
Sinabi ni Gatchalian na hindi katanggap-tanggap ang dalawang aberya sa loob lamang ng tatlong Linggo sa dalawang okasyon.
Pinatunayan anya ng dalawang insidenteng ito ang pagiging incompetent ng mga CAAP official kaya’t dapat na ring pag-aralan ng Department of Transportation (DOTr) ang nararapat na hakbang laban sa kanila.
Hindi rin nawawala ang duda ng senador na sabotahe o cyber-attack ang mga nangyaring aberya na anya’y nakakatakot na muling maulit.
Tiniyak din ni Gatchalian na sa susunod na pagdinig hinggil sa aberya ay mauungkat ang posibleng pananagutan ng mga opisyal.