Inihayag ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na naghahanda na sila para sa inaasahang pagdami ng mga air passenger sa mga paliparan sa darating na Semana Santa.
Ayon kay CAAP Spokesperson Eric Apolonio kaugnay nito ipatutupad ng ahensiya ang Oplan Biyaheng Ayos, Holy Week 2024.
Kamakailan, ilang airport ang nagsagawa ng bomb simulation bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga manlalakbay sa gitna ng paglitaw ng mga bomb joke sa mga airport.
Inatasan na rin ang mga airport manager na magsumite ng airport operation at communication plans upang matiyak ang isang ligtas, maaasahan, at maginhawang sistema ng paliparan.
Ipatutupad din ang “No Leave Policy” sa mga empleyado upang matiyak ang maayos na serbisyo para sa mga pasaherong uuwi sa kanilang mga probinsya para gunitain ang Semana Santa.