Nangako si Senador Sonny Angara na sisikapin ng Senate Committee on Finance na taasan ang budget para sa edukasyon at kalusugan sa final version ng 2024 National Budget.
Sinabi ni Angara na bilang chairman ng Senate Committee on Finance, naoobserbahan niya sa mga nakalipas na taon na consistent ang kanyang mga kasamahan na suportahan ang dagdag pondo para sa education at health sectors.
Batay sa inisyal na pagsusuri sa 2024 National Expenditure Program (NEP), sinabi ni Angara na magkakaroon ng pagbabawas sa budget ng ilang departamento, ahensya at tanggapan na maililipat sa mga programang dapat iprayoridad.
Pangunahin na rito ang non-recurring expenses na kinabibilangan ng infrastructure projects na naipatupad na sa mga nakalipas na taon.
Sa ilalim ng 2023 GAA, dinadagan nila ng P1.1-B ang pondo para sa specialty hospitals na Lung Center of the Philippines, National Kidney and Transplant Institute, Philippine Children’s Medical Center, Philippine Heart Center at Philippine Institute of Traditional and Alternative Health Care na binigyan ng kabuuang pondo na P7-B.
Itinaas din anya nila ang pondo para sa Medical Assistance for Indigent Patients.
Sa edukasyon, inaasahan din ni Angara ang dagdag pondo para sa mga state universities and colleges kasama na ang University of the Philippines system dahil wala siyang nakikitang dahilan upang ito ay mabawasan. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News