Tumagal lamang ng sampung minuto ang pagtalakay ng Senate Committee on Finance sa panukalang budget ng Office of the President at agad na itong inaprubahan.
Ayon kay Exec. Sec. Lucas Bersamin, ang kanilang ₱10.56 billion proposed budget ay mas mababa ng 1.88% kumpara sa kasalukuyang budget ng ahensya.
Sa kabila aniya ng mas mababang budget ay tinitiyak nilang sasapat ito para matugunan ng Office of the President ang kanilang mandato para sa bansa.
Tiniyak din ni Bersamin na patuloy silang makikipagtulungan sa Kongreso na iginagalang nilang may power of the purse.
Sa panig naman ng mga senador, sinabi nina Senators Grace Poe at Jinggoy Estrada na dapat masuportahan ang Office of the President.
Sinabi ni Estrada na krusyal ang budget ngayon ng OP dahil sa nasa kalagitnaan na ito ng termino at dapat suportahan ang mga nasimulang programa.
Sinabi naman ni Poe na nararapat na magkaroon ng sapat na pondo ang OP lalo’t pa’t may bago ito ng binuong tanggapan na Presidential Office for Child Protection gayundin nasa ilalim nila ang Presidential Anti-Organized Crime Commission. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News