Kinumpirma ng Bureau of Corrections na inihahanda nila na gawing food and tourism hub ang kanilang Palawan property sa lalong madaling panahon.
Ito ang pahayag ni BuCor Dir. Gregorio PIO Catapang Jr. sa 2nd Asian Regional Correction Conference (ARCC) na ginanap sa Puerto Princesa sa Palawan.
Paliwanag ni Catapang na mayroong domestic demand sa lugar ng Palawan para sa mga produktong bigas, mais at baka, kaya’t inihahanda na nila ang mga taong pinagkaitan ng kalayaan o Person Deprived of Liberty (PDLs) upang maging mga manggagawa.
Kabilang sa mga bisyon ni Catapang para sa Palawan ay gawing ligtas, moderno, at sustainable development hub ang Iwahig Prison and Penal Farm upang sa halip na umasa sa pondo ng gobyerno makapagbibigay pa ito ng malaking ambag sa pagsulong ng ekonomiya ng bansa.
Sinabi ni Catapang na ang Iwahig Prison Penal Farm ay sumasaklaw sa 28,328.64 ektarya.
Nahahati ito sa apat na kolonya na Central Palawan, Montible Palawan, Sta. Lucia Palawan, at Inagawan Palawan, na nagsisilbi sa iba’t ibang gawain sa rehabilitasyon at agrikultura.
Iginiit pa ng opisyal na ang mga naturang pasilidad ay sumusunod sa isang natatanging correctional model na nagpapahintulot sa mga PDL na makilahok sa pagsasaka, trabahong bokasyonal, at mga aktibidad na nakabatay sa komunidad.