dzme1530.ph

BSP, pinakikilos laban sa lending app na nakakonekta sa gambling sites

Loading

Iginigiit ng mga senador sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na aksyunan ang online lending apps na nakakonekta sa mga online gambling site.

Sinabi ni Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri na bukod sa pagkalulong sa sugal dahil sa online platforms, malaki rin ang posibilidad na mabaon sa utang ang mga tumataya sa online gambling dahil sa mga online lending app.

May ilang insidente, aniya, na kapag natatalo sa online gambling, lumalabas ang lending o loan app upang engganyuhin ang mananaya na umutang.

Bagama’t iginiit ng BSP na hindi nila mandato ang pag-regulate sa mga online lending app, sinabi ni Zubiri na responsibilidad pa rin ito ng BSP dahil loan sharks ang mga lending app na nagpapataw ng mataas na interes at madalas idinadaan sa cyberbullying, pananakot at pamamahiya ang paniningil.

Hindi rin matanggap ni Senate Committee on Games and Amusement Chairman Erwin Tulfo na ipinapasa ng BSP sa Securities and Exchange Commission ang responsibilidad sa mga lending app.

Kailangan, aniya, kumilos ang BSP laban sa pamamayagpag ng mga lending app sa online gambling.

About The Author