Pinatitiyak ng Senate Committee on Games and Amusement ang Bangko Sentral ng Pilipinas na matatanggal sa e-wallet platforms ang links sa online gambling.
Sa pagdinig ng kumite kaugnay sa online gambling, binalaan ni Sen. Erwin Tulfo ang BSP na mahaharap sila sa contempt kung pagdating ng araw ng Linggo ay mayroon pa ring link sa e-wallets ng online gambling.
Ito ay makaraang sabihin ni BSP Deputy Gov. Mamerto Tangonan na binigyan nila ng 48 oras o hanggang Sabado ang mga e-wallet companies at Bangko Sentral Supervised Institutions upang alisin ang mga links.
Nagpahayag ng pagkadismaya ang mga senador dahil ngayon lang inilabas ng BSP ang kautusan at binibigyan pa ng palugit ang mga kumpanya na maaari namang agad-agad gawin.
Sa puna ni Sen. Alan Peter Cayetano, sinabi niyang July 25 pa nag-abiso ang BSP sa ilalabas na polisiya subalit ngayon pa lamang nila tuluyang inisyu ang direktiba.
Paliwanag naman ni Tangonan na kailangan nilang bigyan ng palugit ang e-wallet companies upang mabigyan ng pagkakataon ang kanilang mga customers upang iwithdraw ang kanilang pera sa online gambling account.
Nais namang matukoy ni Sen. Risa Hontiveros na kung sino ang dapat namumulis sa mga online sugal na naka-link sa e-wallets at super apps.
Iginiit ng senadora na dahil sa e-wallets at super apps, naging portable ang pagka-casino dahil sa mga kasalukuyang regulasyon.
Unli-sugal aniya na walang bantay at wala ring awa dahil isang pindot lang, mauubos na ang kinita sa buong buwan o mababaon pa sa utang.