Hindi muna makapag-se-serbisyo ang BRP Teresa Magbanua matapos magtamo ng mga pinsala makaraang paulit-ulit na banggain ng mga barko ng Tsina habang naka-deploy sa Escoda Shoal.
Ayon sa Philippine Coast Guard, dalawa hanggang tatlong buwan ang kailangan para makumpuni ang isa sa pinakamalaki nilang barko.
Matapos bumalik mula sa limang buwang misyon sa Escoda o Sabina Shoal, naka-daong ngayon ang Magbanua sa Danao, Cebu, kung saan ito kinukumpuni.
Sinabi ng Coast Guard na walang ilalabas na pondo ang pamahalaan para sa pagkukumpuni ng Japanese-made na barko.
Paliwanag ni PCG Spokesperson, Rear Admiral Armand Balilo, nasa ilalim pa ng warranty mula sa Mitsubishi, ang Teresa Magbanua kaya walang gagastusin ang gobyerno. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera