Kinumpirma ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Panfilo “Ping” Lacson na pumayag si Senate President Tito Sotto na lumabas si Engineer Brice Hernandez upang makapaghalungkat ng ebidensya kaugnay sa kanyang mga alegasyon sa flood control projects.
Ayon kay Lacson, lalabas si Hernandez mula sa Senate Detention Facility bukas ng alas-6 ng umaga at kinakailangang bumalik sa Senado ng alas-6 ng gabi.
Inatasan din ni Lacson ang kanilang legal team na makipag-ugnayan sa abogado ni Hernandez upang ipaalam ang pansamantalang paglabas nito.
Mahigpit na bilin naman ni Lacson sa mga tauhan ng Senate Sergeant-at-Arms na huwag hihiwalayan si Hernandez habang pansamantala itong lumalabas.
Una rito, hiniling ni Hernandez sa Blue Ribbon Committee na ilift ang contempt order laban sa kanya upang makapangolekta ng ebidensya, ngunit hindi ito pinagbigyan. Sa halip, binigyan lamang ito ng pass para sa pansamantalang paglabas.