dzme1530.ph

BPO companies sa Cebu na naglagay sa panganib sa mga empleyado, pinakakasuhan

Loading

Nais ni Senate Committee on Labor Chairman Raffy Tulfo na kasuhan ang ilang business process outsourcing (BPO) companies sa Cebu na naglagay sa panganib sa buhay ng mga empleyado nang tumama ang 6.9 magnitude na lindol.

Kasunod ito ng impormasyon na hinarangan ang emergency exit ng kanilang opisina upang hindi makalabas ang mga empleyado.

Ang ibang kumpanya naman ay pinilit agad bumalik sa trabaho ang kanilang mga empleyado matapos ang lindol kahit may mga aftershock pa.

Sinabi ni Tulfo na nag-init ang kanyang ulo nang matanggap ang mga impormasyong ito dahil inuuna pa umano ng mga kumpanya ang kanilang kita kaysa sa kaligtasan ng kanilang mga empleyado.

Ipinaalala ng senador ang Labor Advisory No. 17, Series of 2022, na nagsasaad na tuwing may kalamidad gaya ng lindol o bagyo, dapat unahin ng mga kumpanya ang kaligtasan ng kanilang mga manggagawa.

Gayundin, ang Department Order No. 252, Series of 2025, na kinikilala ang karapatan ng mga manggagawa na tumangging magtrabaho nang walang banta o parusa mula sa mga employer kung may panganib sa lugar ng trabaho.

 

About The Author