dzme1530.ph

BOC, pinakikilos para madaliin ang pagsasampa ng kaso vs rice smugglers

Pinakikilos ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ang Bureau of Customs (BOC) para madaliin ang pagsasampa ng kaso laban sa mga rice smugglers.

Pahayag ito ni Romualdez kasunod ng utos ni PBBM na ipamahagi ang mga kumpiskadong bigas sa mahihirap na pamilya sa Zamboanga Peninsula.

Ang utos umano ng Pangulo ay hindi lamang pagpapakita ng “generosity” kundi nagpapatibay din sa ‘commitment’ ng kanyang administrasyon na tugunan ang kailangan ng taumbayan, at habulin ang mga smugglers, hoarders at nagmamanipula sa presyo.

Sa panig ng Kongreso suportado nila ang inisyatibo ng Pangulo na ipamigay na lamang sa 4Ps beneficiaries ang mga bigas na nasabat ng BOC.

Masaya si Romualdez sa performance ng BOC at mga katuwang na ahensiya, subalit hindi aniya dapat tumigil ang Aduana sa pagsalakay sa mga bodega at pagkumpiska sa lahat ng smuggled item lalo na ang bigas at agricultural products.

Aniya, kung walang makukulong na smuggler, magpapatuloy lang ang ganitong gawain, habang ang publiko naman ay hindi na rin maniniwala sa ginagawa ng pamahalaan. –sa ulat ni Ed Sarto, DZME News

About The Author