Pinahaharap ni Sen. Raffy Tulfo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa flood control projects ang Bureau of Customs.
Ito ay upang matukoy kung nagbayad ng tamang buwis ang negosyanteng si Sarah Discaya sa kanyang 28 luxury vehicles.
Una rito, inilutang ni Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III na nasangkot din sa pagpapasok ng smuggled vehicles ang dealer ng mga sasakyan ni Discaya.
Samantala, natanong din kanina ang MG Samidan Construction sa nakuha nilang P5.022 billion na flood control projects kahit na ang paid-up capital nito ay aabot lamang sa P250,000.
Iginiit ng may-ari ng MG Samidan na si Marjorie Samidan na wala silang ghost flood control projects.
Nasimulan na rin ang pagsisiyasat sa Wawao Builders na isinasangkot sa ilang ghost flood control projects sa Bulacan, subalit tumangging sumagot ang may-ari nito na si Mark Allan Arevalo bilang payo ng kanyang abogado.
Lumabas din sa pagdinig na ang buong tatlong miyembro ng Philippine Construction Accreditation Board (PCAB) ay pawang contractor din.
Ayon kay PCAB Chairperson Dr. Pericles Dakay, mayroon siyang lisensya dati subalit ngayon ay wala na.
Iginiit naman ni Senador Erwin Tulfo na dapat agad nang palitan ang mga miyembro ng PCAB dahil sa conflict of interest.