dzme1530.ph

Blended learning mode, dapat ipatupad muna sa gitna ng matinding init at banta ng pertussis

Iminungkahi ni Senate Committee on Basic Education Chairman Sherwin Gatchalian sa mga principal na magpatupad muna ng blended learning sa gitna ng pangamba ng mga magulang sa banta ng pertussis o whooping cough at mainit na panahon.

Sa ganitong paraan, sinabi ni Gatchalian na maipagpapatuloy ang edukasyon ng mga bata kasabay ng pagbibigay prayoridad sa kalusugan at kaligtasan ng mga estudyante at mga guro.

Ilang lokal na pamahalaan na rin ang nagsuspinde ng klase simula kahapon bunsod ng matinding init ng panahon.

Ipinaalala ni Gatchalian na sa ilalim ng Department of Education (DepEd) Order No. 037 s. 2022, maaaring magsagawa ng modular distance learning, performance tasks, o make-up classes kapag nagsuspinde ng klase.

Una na ring isinusulong ni Gatchalian ang unti-unting pagbabalik sa dating school calendar upang maibalik ang summer vacation.

Nanawagan din si Gatchalian sa mga punong-guro na magpatupad ng mga hakbang para sa kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral sa mga paaralan, kabilang ang pagsulong ng maayos na respiratory hygiene at regular na paghuhugas ng kamay.

About The Author