dzme1530.ph

Black American, arestado matapos magwala at manapak ng airport police sa NAIA T3

Patung-patong na kaso ang kahaharapin ng black American national matapos itong manapak ng airport police at manakal ng airport security sa NAIA terminal 3.

Ayon kay Airport Police Chief Froilan Sanchez, nangyari ang insidente pasado alas-6:00 ng gabi kung saan bumaba ang suspek sa sinasakyang taxi mula Makati at hinabol ito ng driver dahil hindi pa nagbayad ang dayuhan.

Bigla nalang pumasok ang dayuhan na kinilalang si Tyrone Benneti sa Airport kung saan sinita siya ng mga security, subalit walang maipakitang plane ticket at dokumento si Tyrone.

Dito na siya nagsimulang magwala at ibinalibag ang kanyang luggage sa mga airport security.

Sinubukan pang awatin ng APD at PNP aviation ang dayuhan subalit sinapak nito si APD officer 1 John Carlo Carbonel at sinakal naman ang isang security guard.

Nahirapan silang pakalmahin at hindi nila ito basta malapitan dahil malaking tao ang black American.

Dahil dito pinagtulungan na ng security forces ang suspek para tumigil ito sa pagwawala.

Sa ngayon nakakulong na ang nasabing dayuhan sa APD detention cell at mahaharap na patung-patong na kaso. –sa ulat ni Tony Gildo, DZME News

About The Author