Kinumpirma ng Philippine National Railways (PNR) na muli nilang bubuksan ang mga biyahe ng tren rutang Naga-Ligao sa darating na Lunes, ika-31 sa buwan ng Hulyo ng taong kasaluyan.
Ayon sa PNR, magkakaroon muna ng dalawang biyahe ng tren kada araw sa nabanggit na ruta na babagtas sa higit 67 kilometrong haba ng riles.
Aalis ang unang biyahe ng PNR mula sa Ligao patungong Naga sa ganap na alas-5:30 ng umaga at susundan ito ng ikalawang biyahe ng tren sa ganap na alas-5:30 ng hapon mula sa Naga patungong Ligao.
Nilinaw ng PNR na sakaling dumami ang pasahero na tatangkilik sa Naga-Ligao ay saka lamang magdaragdag ng byahe sa nasabing ruta.
Siyam na istasyon ang magiging operational para pagserbisyuhan ang mga pasahero mula sa iba’t ibang lugar sa Albay at Camarines Sur.
Kabilang dito ang mga istasyon at flag stops sa Naga, Pili, Baao, Iriga, Bato, Matacon, Polangui, Oas, at Ligao.
Giit pa na P15 pasahe ang magagamit para sa unang istasyon, at aabot naman hanggang sa P105 para sa huling istasyon ng tren.
Paalala naman ng PNR sa publiko na bagama’t boluntaryo ang pagsusuot ng face mask sa mga public transport, ipinagbabawal naman ang pagkain at pag-inom sa loob ng mga tren, para sa mas ligtas at kumportableng biyahe.
Magugunita na noong Abril 2017 nang suspendihin ng PNR ang operasyon sa rutang Naga-Legazpi dahil sa kakulangan ng rolling stock. –sa ulat ni Felix Laban, DZME News