Kinumpirma ni National Statistician at Civil Registrar General Usec. Claire Dennis Mapa na idineklara nang void o walang bisa ng Regional Trial Court (RTC) Branch 111 sa Tarlac ang birth certificate ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo noong Setyembre 24, 2025.
Alinsunod ito sa petisyon ng Office of the Solicitor General at Philippine Statistics Authority (PSA) noong Hulyo 4, 2024 para kanselahin ang birth registration ni Guo.
Sa pagtalakay ng Senado sa panukalang 2026 budget ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), sinabi ni Mapa na pinatutunayan nito na peke at hindi valid ang ipinasa ni Guo na certificate of live birth.
Kinumpirma rin ni Mapa na mula sa mahigit 50,000 birth certificates na sinuri, nasa 840 ang natukoy na “highly irregular,” at dalawa na rito ang pormal nang inendorso para kanselahin.
Nasa mahigit 1,000 sa mga kuwestiyonableng birth registrations ay mula sa Davao del Sur na katumbas ng halos 70% ng kabuuang kaso.
Giit naman ni Senador Sherwin Gatchalian, hindi ito basta simpleng clerical error kundi malinaw na “deliberate and malicious” na manipulasyon.
Iniimbestigahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga sangkot na tauhan ng ilang Local Civil Registry Offices (LCRO), at mayroon nang mga kasong naisampa laban sa kanila.
Apat na indibidwal ang pinangalanan sa reklamo, kabilang ang dalawang opisyal mula sa isang LCRO.