Sumangguni at nagsampa ng kasong tax evasion ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ) laban sa 214 na corporate officers na hindi nagbayad ng tamang buwis sa pamahalaan.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na nagsagawa ng nationwide filing ng tax evasion ang BIR.
Ayon kay Internal Revenue Commissioner Romeo Lumagui Jr., aabot sa 127 criminal charges ang kanilang inihain na nagkakahalaga ng P6.1-B halaga ng “tax liability,” sa ilalim ng Run After Tax Evader (RATE) Program ng BIR.
Pinaliwanag ni Lumagui, ang hakbang ng BIR ay bahagi ng kanilang paghabol sa mga negosyo, kumpanya at korporasyon na hindi nagbabayad ng tamang buwis.
Nilinaw din ni Lumagui na bago nila inakyat sa DOJ ang kaso ay idinaan muna sa tamang proseso, nakuwenta, napadalhan ng notice at binigyan ng pagkakataon na sumagot at magpakita ng mga dokumento ang mga sangkot.
Gayunman, ani Lumagui, sadyang may mga negosyo na hindi tumutupad at lumalabag sa batas.
Matatandaan na noong Pebrero 2023, una nang nagsampa ng 74 na criminal charges ang BIR, na nagkakalahaga ng mahigit P3-B buwis sa gobyerno. –sa ulat ni Felix Laban, DZME News