Umakyat na sa anim ang kumpirmadong patay dulot ng Habagat sa Mindanao, batay sa pinakahuling datos mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Sa Situational Report, sinabi ng NDRRMC na apat sa mga nasawi ay mula sa Barangay Pamucutan, Zamboanga City matapos tangayin ng mudslide ang kabahayan patungong ilog sa kasagsagan ng malakas na ulan noong July 12.
Isang bangkay naman ng 47-anyos na babae ang natagpuang palutang-lutang sa Pulangi River sa Kabacan, North Cotabato habang isang 22-anyos na lalaki ang nalunod sa Pagalungan, Maguindanao del Sur.
Biniberipika pa ng Disaster Agency ang dalawa pang napaulat na nasawi sa Davao at Bangsamoro Regions.
Nakasaad din sa report ng NDRRMC na umabot na sa 636,110 individuals o 131,388 families na naninirahan sa 521 barangay sa buong bansa ang naapektuhan ng Habagat.