Naharang ng mga tauhan Bureau of Immigration (BI) na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang isang 49 years old na babaeng biktima ng human trafficking matapos matuklasan na peke ang mga dokumento nito para makaalis patungong Amsterdam.
Ikinabahala ito ng immigration dahil marami pa rin sa ating mga kababayan ang nagiging biktima ng human trafficking.
Binigyan diin ng immigration na nagpapatuloy ang kanilang mandato sa paglaban sa human trafficking upang walang makalusot sa mga paliparan.
Napag-alaman ng BI na ang biktima ay nagtangka na rin noon na lumabas ng bansa patungong Netherlands upang magtrabaho.
Ngayon naman sa ikalawang pagkakataon nagpanggap ang biktima na businesswoman na magbabakasyon sa Amsterdam subalit nabuking na peke ang mga papeles nito.
Inamin din ng biktima kalaunan na na-recruit siya sa Facebook na pumasok bilang household worker kung saan nagbayad siya ng P148,000 para sa kanyang plane tickets at mga pekeng dokumento.
Dinala naman ang kawawang biktima sa Inter-Agency Council Against Trafficking para matulungan na magsampa ng kaso laban sa illegal recruiter.
Iginiit ng immigration ang patuloy sa pagmomonitor sa human trafficking at handa aniya ang kanilang mga officer na masawata ito sa paliparan bago makalabas ng Pilipinas. —sa ulat ni Tony Gildo, DZME News