Mapapanood na sa livestream ang bidding process ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa lahat ng proyekto nito bilang bahagi ng pagpapatibay ng transparency.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, saklaw ng livestreaming ang lahat ng biddings mula sa central, regional at district offices.
Aniya, ipo-post sa official social media pages ng DPWH ang mga link upang ma-access ng publiko.
Dagdag ni Dizon, sisimulan ang livestreaming sa procurement process para sa multi-million dollar Bataan-Cavite Interlink Bridge Project.
Binigyang-diin ng kalihim na hindi sapat kung mga taga-DPWH lamang ang nagmo-monitor, kaya’t mahalaga aniya na masubaybayan din ng publiko ang pag-usad ng mga proyekto upang maiwasan ang katiwalian.