Niratipikahan na ng Senado ang bicam report kaugnay sa panukalang national budget sa susunod na taon.
Kumontra naman sa ratipikasyon sina Senate Minority Leader Koko Pimentel at Sen. Risa Hontiveros habang nagpahayag ng reservation si Sen. Christopher Bong Go.
Pinuna ni Pimentel ang lumobo na namang unprogrammed appropriations sa ilalim ng panukala makaraang umakyat ito sa ₱531 billion mula sa ₱158.6 billion sa ilalim ng National Expenditure Program.
Sinabi ni Pimentel na plano niyang muli itong idulog sa Korte Suprema.
Aminado naman si Sen. Juan Miguel Zubiri na dismayado siya sa kinalabasan ng panukalang budget dahil hindi naaprubahan ang pagdaragdag ng pondo sa pagpapalakas ng kapasidad ng PAGASA at PHIVOLCS.
Maging si Sen. Joel Villanueva ay umalma dahil hindi nasunod ang hiling nilang dagdagan ang pondo ng TESDA samantalang kinontra ni Go ang pasya ng bicam na huwag bigyan ng subsidiya sa susunod na taon ang PhilHealth.
Iginiit naman ni Senate President Francis Escudero na hindi perpekto ang inaprubahan nilang panukalang budget kasabay ng paliwanag na masusi nilang pinili ang mga dapat unahing programa at proyektong dapat paglaanan ng pondo.
Binigyang katwiran din niya ang hindi pagbibigay ng subsidiya sa PhilHealth dahil sobra-sobra pa anya ang pondo ng ahensya na dapat munang gamitin sa benepisyo ng mga miyembro nito. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News