Inaprubahan na ng bicam panel ng Kamara at Senado ang kanilang committee report kaugnay sa panukalang ₱6.325 Trillion 2025 national budget.
Ito ay makaraan ang ilang minutong pagpapasalamat ng mga lider ng dalawang kapulungan sa kanilang mga miyembro kaugnay sa mabusisi nilang pagtalakay sa panukalang budget.
Ayon kay Sen. Grace Poe, chairman ng Senate Committee on Finance, binigyang prayoridad nila sa inaprubahang budget ang mga programa para sa kapakanan ng taumbayan, pagpapalakas ng justice at infrastructure sector.
Sinabi ni Poe ay ang bawat linya sa panukalang budget ay resulta ng pakikipaglaban para sa taumbayan at pangangailangan ng bawat isa kabilang na ang kalsadang ligas, eskwelahan na maayos at mas magandang serbisyong pangkalusugan.
Sinabi naman ni House Appropriations Committee Chairman Elizaldy Co ang kanilang pagsisikap ay malaking tulong para sa pagbuo ng bagong yugto ng pagbabago para sa bansa.
Sa buong miyembro ng panel, tanging si Sen. Risa Hontiveros ang hindi muna lumagda sa bicam report dahil pag-aaralan pa aniya nila ito.
Inaasahan namang raratipikahan mamayang hapon ng Kamara at Senado ang bicam report. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News