Niratipikahan na ng Senado ang bicameral conference committee report para sa isinusulong na panukala sa pagbuo ng Magna Carta of Filipino Seafarers.
Ito na ang ikatlong bicam report para sa panukala na ang pangunahing layunin ay pagtibayin ang proteksyon at palakasin pa ang kakayahan ng mga Pinoy seafarers para na rin sa katiyakan nila sa kanilang trabaho.
Kumontra sa ratification ang minority bloc na sina Senators Aquilino “Koko” Pimentel III at Risa Hontiveros habang inamin ni Sen. Joel Villanueva na mayroon siyang reservation sa pagpabor sa bicam report.
Ito ay dahil tutol ang tatlong senador sa probisyon sa panukala na nagmamandato sa mga seafarer na magbayad ng bond kapag mayroon silang ikinasang demanda sa kanilang employer.
Ipinaliwanag nila na labag ang probisyon sa constitutional mandate na patas na trato para sa lahat at taliwas ito sa layunin ng batas na bigyang proteksyon ang mga seafarer.
Kwestyunable rin kina Hontiveros at Villanueva ang probisyon na magpapahintulot na gamitin ang aksyon fund ng Department of Migrant Workers sa paglalagak ng bond ng mga shipowner at manning agency dahil pera anila ito ng gobyerno na laan para sa emergency situation ng mga migrant workers.