Niratipikahan ng Senado ang bicameral conference committee report sa panukalang nagsusulong ng epektibong programa para sa learning recovery na tutugon sa learning loss.
Ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian layun ng iniakda at inisponsoran niyang proposed Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act o Senate Bill No. 1604 at House Bill No. 1802 na itatag ang ARAL Program para sa learning intervention.
Sa ilalim ng programa, magkakaroon ng mga tutorial sessions, gayundin ng intervention plans at learning resources na may maayos na disenyo.
Alinsunod sa panukala bubuo ng intervention plans at learning resources sa tulong ng mga curriculum at reading specialists.
Sasaklawin ng ARAL Program ang essential learning competencies sa reading at mathematics para sa Grade 1 hanggang Grade 10, at science para sa Grade 3 hanggang Grade 10.
Prayoridad sa panukala ang mga magbabalik-paaralan; mga mag-aaral na hindi umabot sa minimum proficiency level sa reading, mathematics at science; at ang mga mag-aaral na hindi pumapasa sa kanilang mga examination o test.