dzme1530.ph

BI, maghahain ng deportation case laban sa umano’y Discaya car importer

Loading

Inanunsyo ng Bureau of Immigration (BI) na maghahain ito ng deportation case laban kay Cao Cheng, 41, na itinuturong importer ng luxury cars ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, natanggap nila mula sa Land Transportation Office (LTO) ang ulat na naaresto si Cao noong November 27 sa Makati dahil sa ilang paglabag, kabilang ang obstruction of apprehension, illegal use of alias, false representation, at willful misrepresentation of material information.

Lumabas sa LTO records na ginamit nito ang pekeng pangalan na Martin Zhao, na ayon sa BI ay malinaw na indikasyon ng misrepresentation at maaaring ituring siyang “undesirable alien.”

Si Cao ay kasalukuyang detained sa Philippine National Police Highway Patrol Group sa Camp Crame, Quezon City, ngunit ililipat sa BI facility sa Taguig matapos ang inquest at medical examination upang harapin ang deportation case, na maaari ring magresulta sa kanyang pag-blacklist sa bansa.

About The Author