Simula sa susunod na taon, obligado nang magsuot ng body cameras ang mga inspektor mula sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Ito, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), ay upang maiwasan ang ilegal na pagbebenta o pag-eendorso ng fire extinguishers.
Sinabi ni DILG Sec. Jonvic Remulla na mayroon na silang memorandum circular at nagpa-requisition siya ng 5,000 body cameras bunsod ng notoryus na pagbebenta ng BFP inspectors ng fire extinguishers.
Idinagdag ng kalihim na kung mayroong magrereklamo, makikita at mapapanood nila ang naging pag-uusap ng magkabilang panig.
Ipinakita ni Remulla ang insidente kamakailan kung saan isang fire inspector sa Taguig ang umano’y inirekomenda sa management ng Italian Embassy na bumili ng specific brand ng fire extinguisher, na aniya ay hindi tama.