Nagsagawa ng dangerous maneuvers ang isang Chinese military helicopter malapit sa eroplano ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Bajo de Masinloc, ayon sa Philippine Coast Guard.
Sinabi ni PCG Spokesperson for the West Philippine Sea, Commodore Jay Tarriela, na nagsasagawa ang BFAR aircraft ng maritime domain awareness flight nang mangyari ang insidente.
Sakay ng eroplano ang PCG personnel at photojournalist nang lapitan sila ng People’s Liberation Army (PLA) Navy Helicopter na may tail number 68, at dikitan ng hanggang tatlong metro ang port side at ibabaw ng BFAR aircraft.
Inihayag ni Tarriela na ang kawalang ingat na aksyon ng China ay nagdulot ng panganib sa kaligtasan ng mga piloto at pasahero.
Nilabag din aniya ng PLA-Navy ang mga regulasyon ng International Civil Aviation Organization.