dzme1530.ph

Batas sa pagtataas ng benepisyo ng mga retirees ng DFA, pinatitiyak na maipatutupad

Loading

Pinatitiyak ni Sen. Loren Legarda sa Department of Foreign Affairs na agad maipapatupad ang batas kaugnay sa pagtataas ng benepisyo ng mga retiradong opisyal at kawani ng ahensya.

Ito ay makaraang lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang adjusted DFA Retirement Benefits Act o Republic Act 12181 na dapat sundan ng pagbalangkas ng Implementing Rules and Regulations.

Sinabi ni Legarda, may-akda ng batas, ito ay bilang pagkilala sa mahalagang kontribusyon ng mga opisyal at kawani ng DFA sa bansa at upang makahikayat ng marami na pumasok sa ahensya at maisaayos ang foreign service.

Kumplikado aniya ang trabaho ng foreign service officers na minsan ay nalalagay sa delikadong sitwasyon upang protektahan ang mga Pinoy sa ibayong dagat at malaki rin ang papel upang mapatatag ang ugnayan ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa.

Alinsunod sa bagong batas, ang mga DFA retirees na tumatanggap ng pension mula sa GSIS ay makatatanggap din ng monthly pension differential.

Bibigyan din sila ng monthly gratuity benefits at ang kanilang mga benepisyo ay hindi na kakaltasan ng buwis.

About The Author